MANILA, Philippines - Hindi dapat balewalain ng gobyerno ang mga impormasyon na may mga Pilipinong nare-recruit at sumanib na sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Pinaalalahanan din ni House Defense Committee Chairman Rodolfo Biazon, na agad aksyunan ang nasabing impormasyon lalo na at ang mga report ay nagmula sa mga may kredibilidad.
Ang tinutukoy ni Biazon ay sina dating Pangulong Fidel Ramos at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nagsabi na tinatayang mayroong 100 Pilipino na ang sumama sa ISIS.
Sakaling totoo umano ito ay malaking panganib kapag nakabalik ang mga Pilipinong ito sa bansa dahil pag-uugatan na naman ito ng bagong teroristang grupo.
Inihalimbawa ni Biazon ang nangyari sa Abu Sayyaf Group na nabuo matapos itong i-recruit ng CIA noong 1979 para sumama sa Afghan war laban sa Russians.
Dapat din umanong irekonsidera ng gobyerno na mismong isang counter-terror expert na rin ang nagsabi na ang ISIS ay matagal nang may impluwensiya sa bansa.