MANILA, Philippines - Nananatili ang lakas ng bagyong Mario makaraang mag-landfall ito sa hilagang bahagi ng Cagayan province bago mag-tanghali ng Biyernes.
Alas-11 ng umaga kahapon, ang mata ng bagyo ay namataan ng PAGASA sa layong 64 kilometro hilaga hilagang silangan ng Tuguegarao City.
Taglay ni Mario ang lakas ng hangin na umaabot sa 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 100 kilometro bawat oras. Kumikilos si Mario pakanluran hilagang kanluran ng Cagayan sa bilis na 22 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas ang signal no. 2 sa Cagayan kasama na ang Calayan, Babuyan at Batanes Group of Islands, Isabela, Kalinga, Apayao, Mountain Province, Abra at Ilocos Norte.
Signal no. 1 sa Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur at La Union.
Ayon kay Gener Quitlong, weather forecaster, bagamat hindi direktahang apektado ni Mario ang Metro Manila ay makakaranas naman ito ng matinding pag-uulan dahil sa epekto ng bagyo sa habagat.
Sa Linggo ay inaasahang nasa layong 680 kilometro ng hilaga ng Itbayat, Batanes si Mario hanggang sa tuluyan nang lumabas ng bansa.