Cebu binaha, tinamaan ng tornado

MANILA, Philippines - Dumanas ng matin­ding pagbaha ang mga lungsod at bayan ng Cebu habang libong commuters ang na-istranded dulot ng malakas na pag-ulan na epekto ng bagyong Mario.

Sa ulat ng Office of Civil Defense Region VII, ang insidente ay nagbunsod din upang suspendihin ni Cebu Governor Hilario Davide, Cebu City Mayor Michael Rama at Lapu Lapu City Mayor Paz Radaza ang klase sa lahat ng antas sa kanilang mga lugar bunga ng matinding pagbaha.

Nabatid na umapaw ang mga ilog sa Cebu na nagdulot ng abot hanggang tuhod na pagbaha sa Colon Street, North Reclamation area, South Projects Properties habang hindi naman madaanan ng maliliit na behikulo sa bahagi ng Tipolo, Banilad at Plaridel sa Mandaue City.

Nagkabuhol buhol din ang daloy ng trapiko sa Metro Cebu kabilang sa downtown ng lungsod gayundin sa A.S Fortuna, Banilad-Talamban corridor sa Talisay City at iba pang mga lugar.

Samantala naitala rin ang pananalasa ng buhawi sa Southwestern University sa Cebu City kung saan pitong silid-aralan ng unibersidad ang natanggalan ng bubong.

Ayon sa ulat, simula pa nitong Miyerkules ng gabi ay malalakas na ang pag-ulan sa Cebu.

Una nang nagbabala ang weather bureau ng malalakas na pag-ulan sa Cebu at Bohol bunga ng bagyong Mario.

 

Show comments