MANILA, Philippines - Muntik magkasakitan sina House Majority leader Neptali Gonzales at Navotas Rep. Toby Tiangco sa budget deliberation ng Kamara kamakalawa ng gabi.
Nag-ugat ang hidwaan ng dalawa matapos magmosyon si Tiangco na mag-adjourn ng sesyon bandang alas-8 ng gabi dahil hindi nakapagsumite ng listahan ang Department of Budget and Management (DBM) sa mga proyekto na pinondohan ng Disbursement Acceleration Program (DAP) at mga pangalan ng mga kongresista na may proyekto nito.
Dahil dito kaya kaagad sinuspinde ni Presiding Officer Carlos Padilla ang sesyon upang mapag-usapan muna ito ng mga kongresista.
Habang si Tiangco naman ay ipinapaliwanag ang sitwasyon kay Justice Secretary Leila de Lima dahil ang ahensiya nito ang nakasalang sa deliberasyon.
Matapos ang pag-uusap ng dalawa ay lumipat ang kongresista sa kabilang bahagi ng session hall habang si Gonzales ay nilapitan si de Lima kasama ang isa pang kongresista at nagyaya nang umuwi.
Bigla na lamang nilapitan ni Tiangco si Gonzales pero inawat ang dalawa ni Quezon City Rep. Jorge Banal.
Nang tanungin si Gonzales sa nangyari sinabi nito na siya ang itinutulak ni Tiangco subalit hindi na siya pumatol dito.