MANILA, Philippines - “Ibibigay na rin lang, ibigay mo na kaagad para magawa na niya.”
Ito ang sinabi kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago kaugnay sa isyu ng pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Noynoy Aquino sa harap ng nakaambang power crisis sa 2015.
Ayon kay Santiago, pabor siya sa pagbibigay ng emergency power sa Pangulo dahil pinapayagan naman ito sa Konstitusyon at maging sa EPIRA Law.
Mas mainam anya kung maibibigay agad para makapagplano at magawa ang mga dapat gawin bago pa dumating ang oras ng pangangailangan.
Naniniwala si Santiago na hindi aabusuhin ng Pangulo ang ibibigay sa kanyang emergency power ng Kongreso upang makapasok ito sa mga kontrata na magiging daan upang madagdagan ang suplay ng kuryente sa bansa.
Nauna rito, tinanggap ni Senate President Franklin Drilon ang sulat ng Pangulo na humihiling sa Kongreso na magpasa ng isang resolusyon upang mabigyan siya ng emergency power.
Pero sinabi ni Drilon na posibleng hindi kaagad maibigay ng Kongreso ang hinihingi ng Pangulo na karagdagang kapangyarihan dahil sa kakulangan sa oras.
Nakatakdang mag-adjourn ang sesyon ng dalawang kapulungan sa Setyembre 27.
Dagdag ni Drilon, hindi malinaw sa hinihinging emergency power ng Pangulo ang saklaw at lawak nito.
Pero ayon kay Santiago wala ng ibang solusyon sa ngayon kung hindi ang pagpasok ng gobyerno sa mga kontrata upang makakuha ng karagdagang suplay ng kuryente at kapos na sa oras kung magtatayo ng karagdagang mga power plants.
Sabi pa ni Santiago na hindi maaring lumampas ng anim na buwan ang emergency powers na ibibigay sa Pangulo.
Hindi naman maiaalis ang posibilidad na tumaas ang presyo na babayaran ng mga consumer sa panahon ng krisis.