Forced evacuation sa Albay patuloy

Tuloy sa pagsasaka ang isang residente ng Bgy. Padang sa Legazpi City, Albay habang nasa kasagsagan ng forced evacuation sa lugar dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon. Noong 2006, malaking bahagi ng Padang ang nabura sa mapa dahil naman sa bagyong Reming nang umagos ang mga lahar at bato na pumatay ng daang katao. (Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Patuloy ang forced evacuation sa libu-libong naninirahan sa paligid ng nag-aalburotong Bulkang Mayon. 

Sa panayam ng DZMM kay Albay Gov. Joey Salceda, wala nang tao ngayon sa 6-km permanent danger zone (PDZ) at tinututukan na ngayon ang nasa loob ng 8-km extended danger zone (EDZ).

Bagama’t inaasahan anya na hanggang 6-km PDZ lamang ang abot ng lava, pinasakop na rin ang iba pang lugar na hindi binubugahan ng bulkan para matiyak anya ang kaligtasan ng mga ito lalo’t “unpredictable” ang pag­likha ng mga bagong bunganga ng Mayon.

Nakapagtala na ng 245 rock falls ang Mayon simula ng mag-alburoto noong Lunes.

Sabi pa sa report, binigyan na ang mga bayan na sakop ng pwersahang paglikas ng 24 oras para tapusin ito.

Samantala mahigpit na ring binabantayan ng mga sundalo ang 6-8 PDZ upang tiyakin na hindi makakabalik ang mga inilikas na residente na tatamaan ng pagsabog ng bulkan.

Bukod sa rasyong limang kilong bigas sa mga inilikas, may inilaan ding P3 sa bawat alagang hayop ang pamilya para hindi na bumalik sa danger zones.

Noong huling pagputok ng bulkan noong 2009, uma­bot sa 185 araw na nanatili sa evacuation areas ang mga pamilya.

 

Show comments