MANILA, Philippines – Ipinatupad na kahapon ang forced evacuation sa 10,000 pamilya o mahigit 50,000 katao na naninirahan sa palibot ng Bulkang Mayon sa Albay na saklaw ng 5-8 kilometers extended danger zones dahil sa nakaambang pagsabog nito.
Iniutos na ni Albay Governor Joey Salceda, chairman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa lalawigan ang puwersahang paglilikas matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert level 3 sa bulkan na ibig sabihin ay may nakaambang “hazardous eruption” sa loob ng ilang linggo.
Sakop ng forced evacuation ang mga lungsod ng Legazpi, Tabaco at Ligao gayundin sa mga bayan ng Malilipot, Sto. Domingo, Camalig at Daraga.
Target ng Albay na makapagtala ng zero casualty sa nakaambang panganib.
Hindi umano bababa sa 90 araw ang itatagal ng mga ililikas sakaling paalisin sa kanilang mga tirahan.
Sa ulat na ipinarating ni Phivolcs Director Renato Solidum sa PDRRMC, nakapagtala ang Phivolcs ng 32 volcanic quakes at 72 rockfall events nitong mga nakalipas na oras. Ang pagbagsak ng mga bato ay tanda ng pamumuo ng lava dome habang ang mga lindol naman ay hudyat ng pag-angat ng magma at volcanic gas activity.
Bukod pa rito ay sinasabing kapansin-pansin na sa bunganga ng bulkan ang crater glow na nangangahulugan umano na may magma na sa crater ng bulkan.
Nabatid pa na posible umano na magkaroon ng mas maraming pagdaloy ng lava na kadalasan ay sinusundan ng isang pagsabog o kaya naman oras na bumigay na ang lava dome ay maari ring magkaroon na pyroclastic flow na delikado sa mga residente sa timog silangang bahagi ng Albay.
Noong Agosto 15 dahilan sa pagpapakita ng abnormalidad ay itinaas ng Phivolcs sa alert level 2 ang status ng Mayon.
Samantala, inilagay na rin sa state of calamity ang mga barangay na sakop ng pinatutupad na 6-8 kilometer danger zones sa mga apektadong lungsod at bayan.
Ang Mayon Volcano ay isang popular na destinasyon ng mga turista na may taas na 8,070 talampakan na kilala sa ‘perfect cone’ ay huling sumabog noong Mayo 2013 matapos itong magbuga ng makapal na usok at maglabas ng mga nagbabagang bato na kumitil ng buhay ng apat na dayuhang turista at isang Pinoy tour guide.