MANILA, Philippines – Sumang-ayon ang Court of Appeals (CA) sa naging desisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 18 na nag-abswelto kay dating Police Sr. Supt. Michael Ray Aquino kaugnay sa Dacer-Corbito double murder bunga ng kakulangan ng ebidensya.
May kinalaman ang kaso sa pagpatay sa PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at sa kanyang driver na si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Batay sa 49-pahinang desisyon ng CA 9th Division na pinonente ni Associate Justice Stephen Cruz, ibinasura ang petition for certiorari na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG na kumukwestiyon sa desisyon ng Manila RTC na inisyu noong Disyembre 17, 2012.
Sa naunang desisyon ng Manila RTC, tinukoy nito na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang “guilt” ni Aquino.
Sa naging hatol naman ng CA, tinukoy nito na nabigo ang prosekusyon na baligtarin ang presumption of innocence ni Aquino dahil sa kabiguan nitong magharap ng sapat na ebidensya na magpapatunay na guilty ang akusado.
Para sa CA, hindi sapat ang testimonya ng state witness na si Police Officer Glenn Dumlao para iugnay kay Aquino ang pagpaplano ng pagpatay kina Dacer at Corbito.