MANILA, Philippines - Nagbabala ang isang mambabatas sa posibleng malawakang brownout sa Southern Luzon dahil sa hindi pa nagagawa ang mga linya ng kuryente rito na nasira ng bagyong Glenda.
Dahil dito kaya nanawagan si 1-Care partylist Rep. Michael Angelo Rivera sa mga kapwa nito mambabatas na madaliin ang pagpasa ng House Bill 4973 na humihikayat sa Office of the President na maglaan ng P600 milyon sa National Electrification Administration (NIA) para sa rekonstruksyon, repair at rehabilitation ng mga linya ng kuryente ng mga electric cooperatives na lubhang naapektuhan ng supertyphoon.
Ibinunyag din ni Rivera na mayroong 18 electric cooperatives ang nawalan ng kuryente dahil sa pagkasira ng linya ng kanilang kuryente at iba pang imprastraktura na sumusuporta sa power distributors.