MANILA, Philippines - Mas mapapabilis at mura na ang pagpapadala ng balikbayan package sa Pilipinas kapag naisabatas ang panukala ni Sen. Bam Aquino na itaas ang tinatawag na “de minimis threshold.”
“Nagiging pabigat na ang pagpapadala ng balikbayan box sa ating mga OFWs. Sa ngayon, dumadaan ang mga package sa mabusising proseso sa customs at nabibigatan ang OFWs dahil mahal lalo na at parating na ang pasko,” wika ng senador.
Sa ngayon, ang Pilipinas ang may pinakamababang “de minimis threshold” o ang pinakamababang dami ng produkto na idinideklara sa customs, sa ASEAN na nasa PhP10 o US$0.23. Ang average sa ASEAN ay nasa 100 dolyar.
“Ang mababang pamantayan sa Pilipinas ay hindi pa nabago mula noong 1957 at luma na. Kailangan itong ma-update para makasabay sa kasalukuyang halaga,” giit ng senador.
Kapag itinaas ang de minimis level sa mas akmang halaga na P10,000, sinabi ng senador na ang balikbayan boxes at iba pang packages ng OFWs, entrepreneurs at iba pang tao ay mas mabilis na mapoproseso ng Customs sa mas mababang halaga.