PNoy 'di sisibakin si PNP Chief Purisima

MANILA, Philippines – Walang planong patalsikin sa puwesto ni Pangulong Benigno Aquino III si  Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima kasunod ng pagkakasangkot ng mga pulis sa iba't ibang krimen.

Sinabi ni Aquino ngayong Biyernes na hindi na naman bago ang mga hindi tapat na pulisya, ngunit tinitiyak aniya ni Purisima na mapanagot ang mga ito.

"Tanungin ko lang po: Ngayon lang ba lumitaw ang mga scalawags na ito o ngayon lang ba nagkaroon ng scalawags sa ating pong serbisyo? Totoong may scalawag, pero sino po ba ang nakahuli sa mga nang-hulidap sa EDSA? Mga pulis din po," pahayag ng Pangulo.

Kaugnay na balita: 5 pang parak sa ‘kidnap-hulidap’ sa EDSA, sumuko

"Tanong ko po: Makatuwiran po bang pagbitiwin sa puwesto si General Purisima na namumuno sa mga pulis na ginagawa nang mahusay ang kanilang trabaho?”

Ipinagmalaki pa ni Aquino ang pagbabago sa hanay ng mga pulis, kabilang dito ang masinsinang pagtugis sa mga kriminal upang mapanagot ang mga ito.

"Kung dati, dinadaan sa tsamba o 'sana' ang paglutas ng krimen, ngayon, mas sistematiko at siyentipiko na ang pangangasiwa kung saang mga lugar at kung aling mga krimen ang dapat tutukan," pagmamalaki ng Pangulo.

BASAHIN: Duterte papatayin ang 'hulidap' cops sa Davao

Ilan sa mga malalaking pangalan na nadakip ng PNP sa nakalipas na panahon ay sina Jovito Palpara, ang mag-asawang Tiamzon ng New People's Army, ang mga suspek sa pagpatay kina race car driver Enzo Pastor at hotel chain owner Richar King.

Samantala, binatikos din ng Pangulo ang pag-uulat ng ilang mamahayag sa krimen sa bansa.

"Nakakadismaya nga po kung minsan, dahil nakikita natin na kapag may krimeng nangyari, headline sa diyaryo; kapag naman nalutas ang krimen, kailangang hanapin ang kapirasong ulat sa page 20."

Show comments