PNoy sa manok niya sa 2016: Sana hindi ako

Wala pang napipisil si Pangulong Benigno Aquino III kung sino ang magiging manok niya para sa 2016 presidential elections. Philstar.com/AJ Bolando

MANILA, Philippines – Wala pang balak si Pangulong Benigno Aquino III na pangalanan ang kanyang manok para sa 2016 presidential election, ngunit nagpahiwatig na hindi sana siya.

"Sa mga nagtatanong kung sino ang magpapatuloy, baka naman po nagkakamali tayo ng tanong. Baka hindi talaga sino ang dapat nating hanapin dahil walang ibang sagot sa tanong na iyan kung hindi tayong lahat ang magpapatuloy nito," pahayag ni Aquino ngayong Biyernes.

Umugong ang panawagan na amyendahan ang Saligang Batas upang muling makatakbo si Aquino para siya mismo ang magpatuloy ng kanyang mga nasimulan mula nang umupo sa puwesto noong 2010.

Marami ang nagpahiwatig ng suporta sa pagtakbo muli ni Aquino, ngunit marami rin ang pumalag.

Lumutang din ang ideya na aampunin ng Liberal Party ni Aquino si Bise-Presidente Jejomar Binay upang maging standard bearer, ngunit pinabulaanan ito ng isa nilang opisyal na si Senate President Franklin Drilon.

Sa ngayon ay sinabi ni Aquino na wala pa siyang napipisil na magpapatuloy ng kanyang “tuwid na daan.”

"Darating po ang panahon para sa pagpili natin ng kandidato na magpapatuloy ng ating tuwid na landas. Sana po, hindi ako ang kandidatong iyon."

Naniniwala pa si Aquino na matalino na ang publiko upang masuri kung sino ang karapatdapat umupo sa puwesto.

"Tiwala po ako, maski anong panlilinlang o pagpostura, makikita ng ating mga boss kung sino ang ampaw at kung nais silang pagsamantalahan. Masusuri nila kung sino ang talagang handa silang ipaglaban," sabi ng Pangulo.

Show comments