MANILA, Philippines - Kinakaladkad umano ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado ang pangalan ng namatay nang si dating Makati City Engineer Nelson Morales tuwing haharap siya sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-committee sa umano’y overpricing sa pagpapagawa ng Building 2 ng Makati City Hall.
Ito ang pinuna ni Cavite Governor Jonvic Remulla na nagsabing dapat nang itigil ni Mercado ang paggamit sa pangalan ng namatay dahil masakit ito sa naulila nitong pamilya.
“Tulad ni dating general services head Mario Hechanova, kombenyenteng ginagamit ni Mercado ang pangalan ng isang taong patay na para gumawa ng mga malisyoso at walang basihang mga akusasyon laban kay Vice President Jejomar Binay at sa pamilya nito,” sabi pa ni Remulla na tumatayong spokesperson for political affairs ni Binay.
Matatandaan na ilang beses na binanggit ni Mercado ang pangalan ni Morales na napaslang sa Albay noong 2012.
Katulad umano sa mga nakaraang pagdinig, wala namang ebidensiyang ipinapakita si Mercado na susuporta sa kanyang mga pahayag sa Senado.
Maliwanag aniyang ginagamit lamang nina Senators Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano ang pagdinig para sa kanilang ambisyong pulitikal.
“Ginawa nilang kangaroo court ang Senate Blue Ribbon Committee at dito ay nagsisilbi silang abogado ng mga kalaban sa pulitika ng Bise Presidente, tagausig ng pamilyang Binay at huwes sa buong pagdinig. Nagbabanta pa silang kakasuhan ang mga testigo na nagsasabi ng totoo at hindi sumusunod sa script ng kanilang kasinungalingan,” sabi pa ni Remulla.
Ayon pa sa gobernador, nakakalungkot na pumayag ang Senate President na gamitin ng dalawang senador ang Senado para pumukol ng mga walang basihan at malisyosong alegasyon laban sa Bise Presidente at sa pamilya nito para malihis ang atensiyon ng publiko mula sa PDAF scam, isyu ng DAP, MRT at dumaraming krimen sa bansa.