MANILA, Philippines — Nagpasalamat ang negosyanteng si Manuel V. Pangilinan matapos malamang isa siya sa pinagpipilian ni Bise-Presidente Jejomar Binay na maging runningmate sa 2016.
Sinabi ni Pangilinan na wala siyang planong tumakbo sa kahit anumang posisyon sa gobyerno at nais lamang niyang pagtuunan ng pansin ang kanyang mga negosyo at ang pagsuporta sa Philipppine sports.
"Thank you," wika niya sa kanyang panayam sa TV5 kagabi. "Negosyo at sports lang, simple lang naman."
"Wala naman akong alam sa politics, 'di ba?” dagdag niya
Nauna nang sinabi ni Binay na nais niya ng isang negosyante para makatambal sa pagtakbo niya sa pagkapangulo sa 2016.
"Kung mayroon kang successful businessman, may track record kung paano mag-raise ng revenue sa business side of it. Iyon ang talent niya," paliwanag ni Binay kung bakit niya gusto si Pangilinan.
Nilinaw din ni Binay na wala naman siyang pormal na alok kay Pangilinan.
Isa pa sa mga iniisip ni Binay na maging running mate ay ang senador na si Jinggoy Estrada.