MANILA, Philippines - Hihilingin ng kampo ni Marinduque Congw. Gina Reyes sa House of Representatives Electoral Tribunal na ipagpaliban muna ang paglalabas ng mga desisyon kaugnay sa kanyang electoral case.
Ayon kay Atty. Harry Roque, abogado ni Reyes, maghahain sila ng mosyon sa HRET ngayong araw para hilingin na suspendihin muna ang proceedings sa nasabing kaso.
Hanggang ngayon wala pa raw silang natatanggap na kopya ng desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa apila ni Reyes na palitan sina Justice Presbitero Velasco bilang HRET chairman at mga miyembro na mahistrado rin ng SC.
Sa Sept. 11 inaasahang magbobotohan ang HRET sa kaso ni Reyes kaya naman nangangamba ang kongresista sa maaaring kahinatnan ng kanyang kaso at hindi na naman makakuha ng patas na trato.
Anak ni Justice Velasco ang kanyang nakatunggali na si Lord Alan Velasco.