Kontratista ng Makati bldg. pinasisilip sa BIR

MANILA, Philippines - Hinihiling ng grupong United Makati Against Corruption sa Bureau of Internal Revenue na imbestigahan kung nagbabayad ng tamang buwis ang Hilmarc’s Construction Corporation na napabalita dahil sa kontrobersiyal na overpricing sa ginawa nitong Building 2 ng Makati City Hall.

Sinabi ng UMAC sa sulat nito kay BIR Commissioner Kim Henares na obligado ang tanggapan nito na busisiin ang mga dokumentong isinumite dito ng Hilmarc para malaman kung nagbabayad ang kumpanya ng tamang buwis.

Nakapirma sa naturang sulat si Atty. Renato Bondal, convenor ng UMAC at isa sa mga residente ng Makati na nagsampa sa Ombudsman ng kasong plunder laban kina Vice President Jejomar Binay at sa anak nitong si Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay at iba pang mga opisyal ng pamahalaang lunsod kaugnay ng overpricing umano sa pagpapagawa sa gusali. Ang Hilmarc ang kontratista sa Building 2.

“Malinaw sa imbestigasyon ng Senado na pinatungan ng malaking halaga ang kontrata sa Makati Parking Building at inamin mismo ni Mayor Junjun Binay na posibleng may overpricing na nangyari,” sabi ni Jasper Cuayzon ng UMAC-Youth. “Kailangang malaman ng BIR kung idineklara ng Hilmarc’s ang tongpats na ito sa kanilang tubo at kung nagbayad sila ng kaukulang buwis.”

Sa mga nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee, inamin ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na kumita si VP Binay ng malaking halaga mula sa tong-pats ng kontrobersiyal na Makati Parking Building.

Show comments