MANILA, Philippines – Kung tatakbo sa pagkapangulo si Senador Miriam Defensor-Santiago, nais niyang makatambal si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Santiago ngayong Miyerkules na gustong-gusto niya si Duterte dati pa at aniya'y magiging magaling na bise-presidente ito.
"I would love to run with Rody Duterte whom I have always loved from the very beginning," wika ni Santiago.
Kaugnay na balita: Miriam nag-walk out sa Senado
"I am considering Rody Duterte in my opium dreams," dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng Davao City Mayor na wala siyang balak tumakbo sa mas mataas na posisyon, kaya naman kung hindi ito mangyayari ay nasa listahan din ni Santiago si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro at Senador Grace Poe.
"Maybe we can have two women running together, president and vice president? How about that, ladies?" banggit ng batikang senador.
"Maybe it's Miriam and Grace? It just sounds like a restaurant," dagdag niya. "Miriam-Grace sounds so charming.”
Isa na lamang ang inaalala ni Santiago bago tumakbo sa pagkapangulo at ito ay ang kanyang kalusugan.
Kasalukuyang nakikipaglaban ang senador sa lung cancer, ngunit sinabi niyang gumagaling na ito.