MANILA, Philippines – Ibinigay na ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Miyerkules sa Kongreso ang final draft ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) matapos itong maantala ng ilang buwan.
Personal na iniabot ni Aquino ang kopya ng panukala kina Senate President Franklin Drilon at House Speaker Feliciano Belmonte Jr.
Nitong Mayo pa sana mapapasa ang panukala ngunit hindi kaagad naplantsa ang ilang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
"Mahaba at mabusisi po ang prosesong ito dahil nga inilatag natin ang bawat detalye ng pagpapatupad ng ating adhikain para sa Bangsamoro," wika ni Aquino.
"Tinitiyak ko po sa inyo: Pinanday ang Bangsamoro Basic Law upang maging makatwiran, makatarungan, at katanggap-tanggap sa lahat, Moro man, Lumad, o Kristiyano.”
Ang BBL ang naging produkto ng pakikipag-ayos ng gobyerno sa MILF matapos ang ilang dekadang gusot sa pagitan ng dalawang panig.
Layunin ng BBL na bumuo ng Bangsamoro region na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nakasaad sa kasunduan ang power-sharing at wealth-sharing ng dalawang panig.