MANILA, Philippines - Aabot sa mahigit 3,000 sundalong Kano at tropang Pinoy ang lalahok sa Philippine Bilateral Exercise (Phiblex) joint military exercise sa ilang lugar sa Luzon at malapit sa pinagtatalunang teritoryo sa Palawan.
Sinabi ni Phl Navy spokesman, Lt. Commander Marineth Domingo, isasagawa ang joint exercises mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 10 ng taong ito.
May 700 Navy personnel, bukod pa sa puwersa mula sa Philippine Army at Air Force ang lalahok habang ang US ay 2,000 personnel ang sasali. Alinsunod ito sa nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika noong Abril 2014.
“The US contingent is bigger because although it is not yet definite, I think two US Navy ships will be arriving,” pahayag ni Domingo.
Ang Phiblex ngayong taon ay mas malaki kumpara sa nakalipas na Balikatan at Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT) na isasagawa rin sa ilang piling lugar sa Luzon.
Isasagawa ang naval at amphibious exercises sa Palawan malapit sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Kapapalooban ito ng land, sea at air exercises.
Kabilang sa war games sa Palawan ay amphibious operations, tactical warfare simulation, maritime security planning at command post.
Isasagawa rin ang joint military exercises sa Cavite, Subic Bay at San Antonio, Zambales.