MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang demand na 10 araw na ceasefire ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kapalit ng pagpapalaya sa dalawang sundalo na binihag ng mga ito sa Bukidnon noong Agosto 22.
“We do not negotiate with the terrorist,” pahayag ni Lt. Col. Lennon Babilonia, commander ng Army’s 8th Infantry Battalion.
Binihag ng mga rebelde sina Privates Marnel Clinches at Jerrel Yorong; pawang mga tauhan ni Babilonia na kabilang sa peace and development team.
Unang napaulat na nawawala ang dalawa hanggang sa akuin ng mga rebelde sa ilalim ng NPA Northern Mindanao Command na bihag nila ang mga ito
Sina Clinches at Yorong ay dinukot matapos harangin habang nakasibilyan at lulan ng motorsiklo noong Agosto 22 sa Brgy. Bontongon, Impasug-ong, Bukidnon.
Sa kalatas na ipinakalat ni Allan Juanito, spokesman ng NPA Northern Mindanao Command, humirit ang grupo nito ng 10 araw na tigil putukan mula hatinggabi ng Setyembre 10 hanggang hatinggabi ng Setyembre 20 upang bigyang daan ang pagpapalaya sa dalawang Prisoners of War (POWs) na sundalo.
Kabilang sa mga lugar na iginiit ng mga rebelde na ipatupad ang ceasefire ay sa mga bayan ng San Fernando, Cabanglasan, Malaybalay City, Impasug-ong, Manolo Fortich at Malitbog sa Bukidnon; gayundin sa Claveria, Balingasag at Gingoog City sa Misamis Oriental.
“Our stand is to continue our operations, there would be no SOMO (Suspension of Military Operations). They can release them without imposing any conditions, we will uphold the rule of law,” tugon naman ni AFP Eastern Mindanao Command Chief Major Gen. Aurelio Baladad.