Makati bldg. kapresyo ng ibang gov’t projects

MANILA, Philippines - Lumilitaw na walang overpricing sa pagpapagawa sa kontrobersiyal na Building 2 ng Makati City Hall batay sa testimonya ng kontratista na nagpapakita na ang presyo ng gusali ay maitutulad sa ibang mga proyekto ng pamahalaan.

Sa pahayag ni City Administrator Eleno Mendoza, “ang mga datos na iniharap ng kinatawan ng kontratistang Hilmarc ay malinaw na nagpapakita na ang halaga ng Makati City Hall Building 2 ay maikukumpara kundi man mas mababa kaysa ibang pampublikong gusali na itinayo ng construction company.”

Sa datos na ipinakita ni Atty. Rogelio Peig, assistant vice president for legal affairs ng Hilmarc’s Cons­truction Corp., ang ave­rage na halaga ng Makati Building 2 ay P69,549.92 per square meter. Ikinumpara niya ito sa House annex building o Mitra Building na itinayo noong 1998 na merong contract price na P462 million at merong average cost na P38,000 per sq. meter.

Kung sabay na itinayo ang Mitra Building at ang Makati Building 2, magkakaroon ito ng averaged na P74,000 per square meter.

“Sinubukan po nilang patunayan na ang Makati Parking Building ay overpriced sa pamamagitan ng paghahambing sa dalawang condominium buildings ngunit hindi po ito ang tamang basehan. Ngayon po sa pagkakataon na ito, ikinumpara ang building na ito sa ibang government buildings na gawa ng Hilmarcs,” sabi ni Mendoza.

Sa kanyang presentasyon sa Senado, ipinamalas ni Peig na ang south lounge extension ng House building ay nagkahalaga ng P65,881.43 per square meter, at ang north lounge ay P67,702.17 per square meter.

Ang Calamba City Hall ay P31,000 per square meter noong 2002 at magkakahalaga naman ito ng P65,000 per square meter gamit ang kasalukuyang current index price ng National Statistics Office (NSO). Binanggit ni Peig na ang city hall ay walang pile foundation habang meron nito ang Makati Building 2.

Mali anyang ikumpara ang halaga ng mga gusali ng pamahalaan sa ilalim ng Procurement Law at ang mga pribadong gusali. Sa ilalim anya ng Procurement Law, ang procu­ring entity ay obligadong maki­pagtransaksiyon sa Ge­neral Contractor habang ang isang private developer ay direktang makakabili ng materyales sa manufacturer.

 

Show comments