MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ni Senator Alan Peter Cayetano ang pabago-bagong pahayag ni Vice President Jejomar Binay sa isyu ng overpriced building sa Makati.
“Dati walang overprice, walang corruption. Ngayon may corruption pero hindi alam ni VP Binay?” tanong ni Cayetano.
Nauna rito, inamin ni Cavite Governor at Vice Presidential Spokesman for Political Affairs Jonvic Remulla na nagkaroon ng “triumvirate of corruption” sa lutong bidding ng mga proyekto sa Makati noong panahon ni dating Vice President Jejomar Binay noong mayor pa ito.
Pero nauna umano rito sinasabi ng kampo ni Binay na walang overpricing sa presyo ng kontrobersiyal na building.
“Kahapon, umamin na rin sila. Dahil sinabi ni Governor Jonvic na triumvirate of corruption daw itong yumaong engineer ng Makati na si Engineer Morales, itong si Vice Mayor Mercado, at si Engineer Hechanova. Two weeks ago, sinasabi nila na zero corruption sa Makati. Ngayon sinasabi nila na merong corruption pero hindi daw sa kanila napunta,” ani Cayetano.
Kinuwestiyon ni Cayetano kung paaano paninindigan ng mga Binay na walang overprice gayong inamin na niya na may korupsiyon.
Ang mga tinutukoy naman ni Remulla ay sina dating Makati purchasing officer Mario Hechanova, dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado at city engineer Nelson Morales, na patay na ngayon.
Ginawa ni Remulla ang pahayag matapos ang pahayag ni Hechanova na nag-uugnay kay VP Binay sa sinasabing lutong bidding ng Makati City Hall Building II.
Muling iginiit ni Cayetano na dapat humarap si Binay sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa diumano’y overpriced na building.
“Ginawa naming bukas ang imbitasyon. Kahit anong oras ay maaari siyang humarap. Sinisikap naming maging propesyonal pero, ang problema, hindi sila nakikipagtulungan,” sabi pa ng senador.