MANILA, Philippines – Muling tinipon ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang mga miyembro ng Barangay Disaster Risk Reduction & Management Council kamakailan sa Pangisdaan Hall, Navotas City Hall para sa karagdagang training at seminar ukol sa tsunami.
Ipinaliwanag ni Gng. Vilma Hernandez – Grennan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Philvocs na mahalagang magkaroon ng kaalaman ang mga leader sa bawat barangay ukol sa sakunang ito at manguna sa pagsasagawa ng drill sa kanilang lugar.
Aniya, ang tsunami o sea waves na maaaring umabot hanggang 5 metro ay kadalasang nangyayari matapos ang isang lindol dahil sa bahagyang paggalaw ng lupa sa ilalim ng dagat. Kalimitang maiksing panahon lamang ang pagitan nito kaya napakaimportante na handa ang mga komunidad na malalapit sa dagat sa pamamagitan ng pagtatag ng ng ‘Community-based Early Warning System for Tsunami’ sa bawat barangay.”
Layunin din ng nasabing aktibidad na ito na pag-aralan ang mga tsunami-prone areas sa lungsod at magbuo ng disaster plan para sa mga residente,“ ani naman ni PS/Supt. Antonio B. Militar (DSC) Ret., Local Disaster Risk Reduction & Management Officer ng Navotas.
Nauna nang pinag-aralan ng Philvolcs ang Tsunami Evacuation Plan para sa Barangay Tanza at iprenesenta bilang halimbawa ni Engr. Erlinton Antonio Olavere sa mga kalahok sa seminar.
Matapos nito, isa-isa ring bumuo at nagpresenta ng kanilang plano ang 13 pang barangay sa lungsod.
Sa maiksing panayam kay Mayor John Rey Tiangco, sinabi nya na “malaki ang tulong na maibibigay ng bawat barangay sa mas mabilis na pagresponde sa pangangailangan ng mga residente sa kanilang lugar.”
“Minsan ng naranasan ng lungsod ang isang storm surge na maihahaluntulad sa isang tsunami noong 2011 dulot ng Bagyong Pedring at Habagat. Dahil mabilis ang pangyayaring ito, nakatulong din noon ang maagap na pagresponde ng barangay volunteers at ang kooperasyon ng mga residente na maagang inabisuhan ukol sa paglikas at iba pang nararapat gawin sa ganitong panahon,” dagdag pa niya.