MANILA, Philippines – Pinayagan na ng Sandiganbayan 3rd division si Atty. Gigi Reyes na magpa-brain scan sa Philippine General Hospital (PGH).
Gayunman, niliwanag ni Atty. Dennis Pulma, executive clerk of court ng Sandiganbayan na dapat na sagutin ni Reyes ang gastusin sa kanyang pagpapasuri ng utak.
Sinabi pa ni Pulma na dapat munang makipag-ugnayan ang kampo ni Reyes sa pamunuan ng PGH upang agad na maitakda ang pagpapa-brain scan nito.
Hiniling ng kampo ni Reyes sa Sandiganbayan na maipasuri ang utak nito matapos makaranas ng masamang pakiramdam bunga ng pagkabagok ng kanyang ulo sa dingding ng kanyang kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig noong Agosto 15 nang atakihin ng anxiety.
Pinag-aaralan ng graft court ang hiling ni Reyes na mapayagan siyang makagamit ng laptop, printer at internet connection sa loob ng kanyang selda sa Taguig jail upang makatulong ito sa pagdepensa sa kanyang sarili sa kasong graft at plunder na kanyang kinasasangkutan kaugnay ng pork barrel scam.