MANILA, Philippines – Tinawag kahapon na “Kangaroo Court” ni Cavite Gov. Jonvic Remulla, vice presidential spokesman for political concerns, ang nakaraang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee sa sinasabing overpriced na building sa Makati.
Ayon kay Remulla, katulad ni dating Vice Mayor Ernesto Mercado, wala namang naipakitang kongkretong katibayan o ebidensiya ang resource person na si Mario Hechanova kaugnay sa mga alegasyon nito kay Vice President Jejomar Binay.
Nagtataka rin si Remulla kung bakit binigyan ng napakalaking pagkakataon ng komite si Hechanova para sirain ang pangalan ng bise presidente kahit pa wala naman itong ipini-prisintang anumang ebidensiya.
Maliwanag aniya na isang kangaroo court lamang ang imbestigasyon sa Senado na pinamumunuan nina Senators Antonio Trillanes at Alan Cayetano dahil pareho umanong tatakbo ang mga ito sa 2016.
“There should be no doubt by now that the Senate investigation is really a kangaroo court, initiated by Trillanes and Cayetano not in aid of legislation but to persecute Vice President Binay who is considered the frontrunner in the 2016 elections,” dagdag ni Remulla.
Iginiit rin ni Remulla na dapat tingnan ng Senado ang naging asal ni Trillanes matapos nitong balaan ang kinatawan ng building contractor.
“Witnesses are supposed to be free from interference or improper influence through warnings, veiled threats, intimidation, or promises of inducement, especially from senators conducting the investigation,” ani Remulla.
Maliwanag aniyang tinatakot ni Trillanes ang testigo gayong maari naman niyang kausapin ang mga resource persons sa mismong hearing o imbestigasyon.
Inamin ni Trillanes na pribado niyang kinausap ang presidente ng Hillmarc’s Construction Corporation upang bigyan umano ng babala sa “pagsugal” pabor sa bise presidente.