Pinay nurse nagnegatibo sa MERS-CoV
MANILA, Philippines – Idineklara ngayon ng Department of Health (DoH) na negatibo sa Middle East Respiratory Syndrome-Corona virus (MERS-CoV) ang Pinay nurse na galing Saudi na unang naiulat na positibo at na-confine sa Davao City.
Inihayag ito ni DoH spokesman Dr. Lyndon Lee-Suy matapos na matanggap nila ang resulta ng confirmatory test mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang.
Ilang araw na ring naka-confine sa isolation room sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City ang nurse, kasama ang kanyang malapit na kaanak.
Dahil sa naturang development, itinigil na rin ng DoH ang contact tracing sa halos 400 mga pasahero ng dalawang eroplano na nakasama ng nurse dahil sa negatibong resulta.
Pinayagan na ring palabasin sa ospital ang nabanggit na nurse.
Una rito, nanawagan pa ang DoH sa mga nakasalamuha na mga pasahero sa Saudia Airlines flight SV870 na umaabot sa 249 at sa Cebu Pacific flight SJ997 na may 143 passengers na magpa-test upang matiyak ang kanilang kalagayan.
Ipinagmalaki naman ng DoH na hanggang ngayon ay maituturing na MERS-CoV free pa rin ang Pilipinas.
- Latest