MANILA, Philippines – Hiniling ngayong Biyernes ni Jessica “Gigi” Reyes sa Sandiganbayan na magkaroon siya ng laptop computer, printer, at internet connection sa loob ng kanyang kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Nakasaad sa mosyon ni Reyes na kailangan niya ang mga hiniling na kagamitan upang mapadali ang pagkuha ng mga impormasyon tungkol sa kaugnayan niya sa pork barrel scam.
"With her detention and medical condition... Reyes is already handicapped in assisting her counsel prepare her defense for trial... Allowing Reyes to use laptop computer with printer and internet connection while in detention will mitigate this handicap."
Makatutulong aniya ang laptop upang: "(to) access and review the evidence for and against her, recollect, write, code and store her narration of vital facts and arrange her documentary exhibits in orderly fashion for their submission in Court."
Tiniyak ng mga abogado ni Reyes na gagamitin lamang ang laptop para sa pangangalap ng mga impormasyon na magagamit sa pagdinig ng kanyang kasong plunder at graft.
Nais pa nila na dinggin ng Third Division ng Sandiganbayan ang kanilang mosyon sa Setyembre 8.
Kaninang umaga ay tumanggi si Reyes na maghain ng plea matapos basahan ng sakdal para sa kasong graft, kaya naman ang korte na ang naghain ng not guilty plea para sa kanya.