MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang destabilization plot laban sa gobyerno.
Sa panayam kay AFP Chief Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. matapos makumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments, sinabi nito na ang tangkang pagpapasabog kamakailan sa NAIA Terminal 3 ay hindi bahagi ng destabilisasyon.
Sinabi ng heneral na malabong iugnay sa destabilization plot ang naturang insidente dahil sa rebentador lang at ilang mga paputok na nilagyan ng gasolina.
Sabi ni Catapang, kahit sinong indibiduwal umano ay maaring gawin ang insidente sa NAIA na ang tanging layunin lamang ay magbigay ng atensyon ng publiko.
Pero agad nagbabala si Catapang na may katapat na parusa ang kahalintulad na krimen at anumang tangkang pananakot sa publiko.
“Kasi sa aiport pag nagsalita ka ng bomba may bomba malaki ang ikakaso sa yo,” ani Catapang.
Ipinauubaya na rin ni Catapang sa Department of Justice (DOJ) kung anong kaso ang kakaharapin ng mga naaresto sa umano’y tangkang pagpapasabog sa NAIA 3.