MANILA, Philippines - Dapat magpagupit ng “mohawk” si Senate President Franklin Drilon kapag lumabas sa record na tumanggap ito ng P1 bilyon pondo mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ito ang hamon ni Navotas Rep. Toby Tiangco na magpa-“hairstyle challenge” si Drilon kapag napatunayang tumanggap ito ng pondo mula sa DAP.
Nauna nang itinanggi ni Drilon na tumanggap ito ng nasabing halaga mula sa DAP at sinabing pawang espekulasyon lamang ang naturang report.
Giit ni Tiangco, secretary general ng United Nationalist Alliance (UNA), hindi siya naniniwala na pawang espekulasyon ang isyu at hindi ito dapat agad ibasura ni Drilon at sa halip ay dapat sagutin ito ng senador ng diretso dahil iba umano ang lumabas sa records ng Department of Budget and Management (DBM).
Naniniwala rin ang kongresista na mas malaki ang nakuha ng mga mambabatas na kabilang sa Liberal Party (LP) mula sa DAP kumpara sa ibang kongresista.
Ang pet project ni Drilon na Jalaur River Multi-Purpose Project sa Iloilo ang nakatanggap umano ng pinakamalaki sa DAP.
Mismong opisina umano ni Drilon ang nagpalabas ng press release na ipinag-utos ni Presidente Aquino ang inisyal na pagpapalabas ng P450 million para pondohan ang engineering design at pagpapagawa sa dam dito.