Mas matinding trapik sa paglabas ng mga container sa Port of Manila
MANILA, Philippines - Lalong titindi ang pagsisikip ng trapiko sa kalakhang Maynila sa susunod na dalawang linggo dahil sa paglalabas ng siksikan nang mga container mula sa Port of Manila.
Ito ang ipinahayag ng Malakanyang kasabay ng paghingi ng paumanhin sa publiko lalo na sa mga commuter at motorista dahil sa inaasahang matinding trapiko.
Ayon kay Sec. Rene Almendras, simula sa Lunes hanggang sa September 22 ay inaasahan ang mas matinding trapiko sa kalsada dahil sa mga trucks na maglalabas ng mga containers mula sa Port of Manila.
Sa susunod na dalawang linggo mula Lunes, Setyembre 8 hanggang Setyembre 22, may mga truck na exempted na sa regulasyon. Ibig sabihin, 24 oras na silang makakabiyahe sa 24-hour express truck lanes, wika ni Almendras.
Ayon kay Almendras, binibigyan ng pagkakataon ang mga truckers at importers para bago ipatupad ang P5,000 na storage rate per container sa Port of Manila ay mailabas na nila ang kanilang mga kargamento.
Nagpulong kamakalawa sa Palasyo ang mga stakeholders upang humanap ng solusyon kung paano mababawasan ang mga containers na nakaimbak sa Port of Manila.
Inaasahan nilang luluwag na ang Port of Manila mula sa mga nakaimbak na containers sa loob ng susunod na 2 linggo.
- Latest