MANILA, Philippines – Nagbitiw sa kanyang puwesto si Col. Ezra James Enriquez sa UNDOF matapos gumuho ang tiwala nito sa UNDOF commander na si Lt. Gen. Iqbal Singh Singha nang utusan silang sumuko sa mga rebelde.
Kinumpirma ni AFP spokesman Maj. Gen. Domingo Tutaan Jr. ang pagbibitiw ni Col. Enriquez matapos pamunuan nito ang ‘great escape’ ng Filipino peacekeepers sa Golan Heights matapos silang makipagbakbakan ng 7 oras sa mga rebeldeng Syrian.
“His decision to resign was done in protest of the order that could endanger the lives of the Filipino troops”, pahayag ni Tutaan.
Una rito , sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. na dapat maimbestigahan si UNDOF Commander Lt. Gen. Iqbal Singh Singha dahilan sa maling aksiyon at pagtugon nito sa krisis.
Nabatid na nais ni Singha na isurender ng AFP contingent ang kanilang mga armas at magwagayway ang mga ito ng bandilang puti bilang tanda ng pagyukod sa mga kalaban subalit hindi ito sinunod ng Filipino contingent.
Samantala, pinuri naman ni Pangulong Benigno Aquino III ang ipinamalas na katapangan ng mga sundalong Pilipino sa Golan Heights kasabay ang paghingi nito ng kumpletong report sa insidente.
Pinuri ng Senado sa pamamagitan ng Senate Resolution no. 877 ni Sen. Bam Aquino ang ipinakitang katapangan ng mga sundalong Pinoy.
Sinabi ni Sen. Aquino sa kanyang resolusyon na kinikilala ngayon ang mga Filipino peacekers bilang bagong ‘action heroes’ ng mundo.
“Patunay lang ng ipinakitang katapangan ng ating mga sundalo na hindi tayo aatras sa anumang hamon,” wika pa ni Sen. Aquino.