MANILA, Philippines - Dapat linawin ng mga benepisyaryo ng kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) ang tamang pagpapatupad ng mga proyekto.
Ito ang tinuran kahapon ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na nagsabi pa na “Walang mali sa DAP, PDAF (Priority Development Assistance Fund) o kahit ang iba pang mga pondo ng pamahalaan kung nagagamit nang tama para sa isang lehitimong proyekto at hindi ibinubulsa.”
“Nakakatiyak ako na merong magagandang proyekto si Senate President Franklin Drilon at malamang hindi pa niya nababalitaan ang hinggil sa DAP nang panahong iyon,” sabi pa ni Speaker Belmonte.
Kasabay nito, hinamon ng mga mambabatas si Budget Secretary Florencio Abad Jr. na tupdin ang ‘tuwid na daan’ slogan ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng kagyat na paglalantad sa kanilang mga kaalyado na nakinabang sa P10.08 bilyong DAP.
Hinamon din nina Abakada party-list Rep. Jonathan de la Cruz, Parañaque City Rep. Gus Tambunting at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate si Drilon na linawin ang naglabasang mga report na tumanggap umano ito ng P1 bilyon mula sa pondo ng DAP.
Binatikos ni Dela Cruz ang patuloy na kabiguan ni Abad na i-‘account’ ang pondo ng DAP na ang ilang probisyon ay idineklara ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon.
“Hanggang ngayon, wala pang report ang DBM at ang CoA (Commission on Audit) na siyang mga ahensiyang sangkot sa pagpapatupad nito. Nakakalungkot ang bahaging accountability dito. Hindi ito dapat palagpasin na parang walang nangyari. Bilyun-bilyong piso ang pinag-uusapan dito, hindi mani,” diin ni Dela Cruz.
Nauna rito, bagaman hindi niya binabanggit ang pangalan ni Drilon, hiniling ni United Nationalist Alliance (UNA) secretary general Toby Tiangco kay Abad na beripikahin ang impormasyon na isang senador ang nakatanggap umano ng P1 bilyong piso mula sa DAP.
Ayon naman kay Tambunting, kung hindi sasagutin ni Drilon ang akusasyon ay nangangahulugan lang na tila nag-aabogado ito kay Abad sa mga pagdinig ng Senado.
Inayunan naman ni Quezon City Rep. Bolet Banal ang naunang pahayag ni Belmonte sa pagsasabing “hindi dapat pagdudahan o lagyan ng malisya ang mga proyekto sa Iloilo o sa alin mang bahagi ng bansa sa usaping iyan dahil dumaan sila sa tamang accounting at auditing procedures. Naging transparent anya ang DBM sa pagbibigay ng funding details sa lahat ng mga proyekto na ipinatupad ng administrasyong Aquino.