MANILA, Philippines - Nakadalawang pagdinig na ang Senate Blue Ribbon Committee pero wala pa itong nailalabas na pruweba sa umano’y overpricing sa pagpapatayo sa Building 2 ng Makati City Hall.
Ito ang pinuna ni Cavite Governor Jonvic Remulla na nagsabi pa na lumilitaw na wala ring silbi ang mga testigong iniharap sa pagdinig. Ang datos na binabanggit anya nila mula sa National Statistics Office ay batay sa building permit application at hindi sa aktuwal na gastusin sa konstruksiyon.
“Kahit ang mga inimbitahan nilang eksperto ay nagbigay lang ng market appraisal value ng isang hypothetical building. Paano ikukumpara ang isang gusali na hindi nakatayo sa nakatayo nang gusali? Unang-una, patas bang paghahambing iyan?” tanong ni Remulla.
Sinabi pa ng tagapagsalita ng Bise Presidente na isinasaad sa batas na, para mapatunayan ang overpricing, dapat mapagkumpara ang mga magkakatulad na mga bagay na ginagawa sa aktuwal na canvass ng materyales at kasangkapan na ginamit sa pagpapatayo sa gusali. “Meron bang ginawang canvass? Wala”
Minaliit din ng gobernador ang handbook na ipinakita ni Sen. Alan Cayetano sa pagsasabing ang mga pagtatayang ginawa sa handbook ay hindi maituturing na pagkukumpara sa magkatulad na bagay kapag ginamit ito sa Building 2.
“Binabanggit sa handbook na lahat ng mga gusali ay ipinapalagay na walang basement (maliban kung iba ang isinaad) at itinayo sa patag na lupa na merong normal na kundisyon at minimal external work. Itinayo ang Building 2 sa soft soil kaya hindi magagamit ang handbook sa pagkukumpara,” sabi pa ni Remulla.
Ipinagtataka rin ni Remulla kung bakit tinatangka ni Sen. Antonio Trillanes IV ang testimonya ng Hilmarc’s Construction na siyang kontratista ng gusali.
“Kung nais ni Senador Trillanes na malaman ang katotohanan, dapat niyang payagang makapagsalita nang malaya ang lahat ng resource person at huwag bantaan o awayin sila dahil lang ang sasabihin nila ay ayaw marinig ng senador,” sabi pa ng gobernador