MANILA, Philippines - Nagpaalala na naman kahapon ang Malacañang sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na natutuksong magdala ng ilegal na droga kapalit ng pera.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, patuloy na ang ginagawa nilang pakiusap sa mga OFWs na huwag basta magpagamit at mag-ingat sa mga nagpapadala sa kanila o nakikilagay ng gamit sa kanilang bagahe.
Ginawa ni Valte ang panawagan matapos mahatulan ng kamatayan ang dalawang Filipino na sina Emmanuel Sillo Camacho at Donna Buenagua Mazon sa Vietnam dahil sa pagpuslit ng droga.
Bukod pa dito ang kaso ng isang Filipina na nahaharap sa parusang kamatayan matapos mahulihan ng tatlong kilo ng methamphetamine hydrochloride (shabu) sa Kuala Lumpur International Airport kapalit umano ng P69,241.
Sabi ni Valte, nakakaawa rin ang pamilya ng mga biktima kapag nalalagay sa alanganin ang mga OFWs.