MANILA, Philippines - Nakakapasok at nakabalik pa rin sa Libya ang mga OFWs kahit nakataas sa alert level 4 ang sitwasyon doon.
Kinumpirma ito kay Father Celso Laracas, Parish Priest ng St. Francis Catholic Church sa Tripoli, Libya ng Filipino community doon na mayroong mga bagong dating na OFW kung saan ilan sa mga ito ay nakasama na sa repatriation ng gobyerno ng Pilipinas.
Inihayag ng pari na kadalasang umaalis sa Pilipinas bilang tourist ang mga OFW patungo sa mga bansa sa Asya tulad ng Hongkong na walang requirement ng visa.
Mula HK ay pupunta ang mga OFW sa Tunisia papasok ng Libya. Anya, nagagawang makapasok ng mga Filipino sa Libya dahil mayroon silang kasabwat sa Bureau of Immigration (BI) na nag-aayos ng kanilang papeles.
Anim na OFWs ang nakapasok ng Libya, dalawang Filipino ang nakapasok sa Libya sa HK-Dubai-Tunisia; isa ang nag-HK-Turkey-Tunisia-Tobruk; dalawang guro ang Malaysia-Tunisia-Tobruk; isa ang via Bangkok-Turkey-Misurata habang ang isa ay via Indonesia-Abu Dhabi-Tunisia.
Hinimok ni Father Laracas ang BI na i-alert ang ibang bansa upang i-hold ang mga OFW na patungong Tunisia at Libya.
Nanawagan din ang pari sa mga airline company na huwag pasakayin ang mga OFW na pupunta sa Tunisia o yung mga nagstop-over sa Dubai patungong Tunisia.