MANILA, Philippines - Hindi susuko ang 75 Pinoy peacekeepers na nakikipaggirian ngayon sa mga Syrian rebels sa Golan Heights.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo kahapon, sinabi ni AFP spokesman Major Gen. Domingo Tutaan Jr., nasa defense position ang AFP peacekeepers kontra rebeldeng Syrian na pumapalibot sa mga ito.
Iginigiit umano ng mga rebelde na isuko ng Pinoy peacekeepers ang kanilang mga armas pero tumatanggi ang mga ito sa pangambang ma-hostage.
Nabatid kay Col. Roberto Ancan, Commander ng AFP Peacekeeping Operation Center, 40 Pinoy sa ilalim ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) ang nasa Position 68 at 35 sa Position 69 ang sangkot sa nagpapatuloy na standoff.
Ang Pinoy troops ay armado ng M14 rifles, M60 light machine guns, cal. 45 pistol at K3 automatic rifles.
Ayon kay AFP Major Gen. Domingo Tutaan, alas-3 ng hapon sa Pilipinas, sumalakay ang Syrian rebels at una umanong pinalibutan ang detachment ng 43 peacekeepers mula Fiji. Isinuko ng naturang peacekeepers ang kanilang mga armas pero hinostage pa rin sila ng mga rebelde.
Sunod na pinuntirya ang AFP contingent pero tumanggi ang tropa na isuko ang kanilang mga armas.
Tiniyak naman ng UN sa gobyerno ng Pilipinas na gagawin nila ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy.? Ipinaalam na rin sa pamilya ng mga Pinoy ang tungkol sa standoff.
Bukod sa Phl troops ay kabilang rin ang tropa ng militar ng India, Fiji, Ireland, Nepal at Netherlands sa nagsasagawa ng peacekeeping mission sa lugar.
Uuwi na sana ngayong Oktubre ang nasa 332 AFP contingent sa Golan dahil sa tumitinding krisis doon.
Noong nakaraang taon, dinukot ng Syrian rebels ang 25 Pinoy peacekeepers sa Golan Heights.