MANILA, Philippines – Nakipagsabayan si Senador Grace Poe sa bugso ng mga tao sa pila para makasakay ng Metro Rail Transit (MRT3) kaninang umaga.
Bandang 8:20 nakasakay ng tren si Poe na bumiyahe mula North Avenue station hanggang Taft Avenue Station.
Sinubukan ni Poe sumakay ng MRT upang maranasan ang dinaranas ng mga parokyano nito.
“[Senator Poe wants] to gain firsthand experience of the current situation of MRT commuters," pahayag ng staff niya.
Ang senador ang tagapangulo ng Senate public services sub-committee on transportation na magsasagawa ng pagdinig sa Lunes.
Siya rin ang naghain ng Senate bill 2266 na naglalayong bumuo ng National Transportation Safety Board na mamamahala sa imbestigasyon ng mga aksidente sa paliparan, pantalan, kalsada, at maging sa mga tren.
Nitong buwan lamang ay higit 30 katao ang sugatan matapos lumampas sa riles ang isang tren ng MRT sa Taft Avenue station.