MANILA, Philippines - Sumabak na rin maging ang ilang senador at kongresista sa sikat na “ice bucket challenge” kung saan nagpabuhos kahapon ng tubig na may yelo si Sen. Sonny Angara at Iloilo Rep. Neil Tupas Jr.
Bukod sa ice bucket challenge, magdo-donate rin si Angara ng $100 bawat buwan sa loob ng isang taon sa isang ‘local rare diseases support group” na sumusuporta sa mga may ‘orphan disorder.
Ang unang senador na sumali sa ice bucket challenge ay si Sen. Bam Aquino na nagpabuhos ng malamig na tubig kamakalawa at nag-nominate ng ilang mga sikat na showbiz personalities para sumabak rin sa challenge.
Sa Lunes naman nakatakdang magpabuhos ng tubig na may yelo si Senate President Franklin Drilon na ni-nominate ni Rep. Tupas.
Tatlong timbang tubig na may yelo ang ibinuhos kay Tupas sa harap ng South Wing annex building sa Kamara.
Si Tupas ay unang hinamon ni Justice Secretary Leila de Lima na tinanggap naman nito. Magdo-donate rin ang kongresista ng $100 sa ALS foundation.
Hinamon naman ni Tupas na sumabak din sa nasabing challenge si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at bagong Associate Justice Francis Jardeleza.
Hindi naman hinamon ng kongresista si House Speaker Feliciano Belmonte dahil baka magkasakit umano ito.
Naging viral sa buong mundo ang ice bucket challenge bilang suporta sa mga taong may amyotrophic lateral sclerosis (ALS), isang kakaibang sakit na wala pang nakikitang lunas.