Alyansa ng NP kay Binay ibinasura ni Cayetano

MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ni Senator Alan Peter Cayetano ang mga espekulasyon na ang Nacionalista Party (NP) ay makikipag-alyansa sa political party ni Vice President Jejomar Binay.

“Hindi kami sasama sa corrupt,” ani Cayetano.

Pero kung gusto umano ni Binay na magkaroon ng pag-asa na sumama sa NP ay dapat linisin muna nito ang kanyang pangalan.

“I-clear niya ang pa­ngalan niya...Hindi pa nga siya kumakandidato para sa pagka-Pangulo, ayaw na niyang sagutin ito,” ani Cayetano.

Kaya umano nasira si dating Pangulong Gloria Arroyo ay dahil sa pagtanggi nitong sumagot sa mga akusasyon laban sa kanya.

“Si GMA, diyan nasira, sa ayaw pagsagot,” pahayag ni Cayetano.

Samantala, nagpa­hatid ng pagbati si Ca­ye­tano kay Cavite Gover­nor Jonvic Remulla na tatayong bagong spokesman ni VP Binay.

“Alam kong nag-uusap na si Vice President at sila kasi magkakaibigan naman po lahat yan sa pulitika. Wala namang problema po yun, I think he is a good choice for a spokesman, I hope lang po na si Vice President starts talking,” pahayag ni Cayetano. 

Idinagdag ni Cayetano na maaring dumalo si Binay sa gagawing pagdinig ng komite sa Setyembre 4 kung saan ipagpapatuloy ang imbestigasyon sa sinasabing overpriced na Makati building.

Magugunita na mismong ang Commission on Audit (CoA) ang nagkumpirma na hindi pa nila kini-clear ang sinasa­bing ‘world-class’ carpark, isang proyekto na ipina­tupad noong nakaupo pa lamang si VP Binay bilang mayor ng siyudad.

 

Show comments