SALN request ng BIR, ibinasurang muli ng SC
MANILA, Philippines - Muling ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makakuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga Justices.
Ayon kay SC spokesperson Atty. Theodore Te, ibinasura ng korte ang Motion for Reconsideration ni BIR Commissioner Kim Henares dahil sa kawalan ng basehan.
Unang humirit ng SALN ang BIR noong nakaraang taon habang dinidinig pa ang isyu sa Disbursement Acceleration Program o DAP Fund na kinalaunan ay idineklarang unconstitutional. Marso nang muling magsumite ng mosyon ang BIR subalit ibinasura itong muli ngayon.
Giit ni Henares, nais lamang nilang matiyak kung nagbabayad ng tamang buwis ang mga mahistrado at maiugnay din ito sa alegasyon ng umano’y case fixing kung saan nasusuhulan ang mga ito.
Subalit sinopla ito ng SC sa pagsasabing hindi absolute ang kapangyarihan ni Henares pagdating sa ganitong usapin at hindi rin umano maaring gamitin ang Tax Code na animo’y nasa isang fishing expedition ang BIR upang maghanap ng tax liabilities ng mga hukom.
Dahil dito, inaasahang mas titindi pa ang iringan sa pagitan ng ehekutibo at hudikatura na nagsimula sa isyu ng pagbasura sa PDAF at DAP.
- Latest