MANILA, Philippines — Pumalag si Bise-presidente Jejomar Binay sa ginagawang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na Makati City Hall II parking building.
Sinabi ni Binay na nalulungkot siya sa ginagawang paninira sa kanya lalo na't inihayag na niyang tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2016.
Nag-ugat ang reaksyon ng bise-presidente matapos sabihin ng dating bise-alkalde ng lungsod ng Makati na si Ernesto Mercado na nakinabang siya sa naturang gusali.
Kaugnay na balita: VP Binay nakinabang sa Makati parking building
"Tinanggap ni Mr. Mercado na ang bintang niya sa akin ay haka-haka at ispekulasyon niya lamang. Pero sa harap ng pag-amin ni Mr. Mercado na siya ay nagdilihensya, ang gustong gawin ng ibang senador ay kanlungin pa siya," pahayag ni Binay. "Dito ako nalulungkot."
Aniya ginagamit ang imbestigasyon ng senado upang siraan siya.
"Todo-todo ang kanilang paninira sa akin.”
Sinabi pa ni Binay na wala nang pag-asa na makakuha ng patas na paglilitis sa Senate Blue Ribbon Committee.
"My countrymen, I have been closely observing the proceedings at the Senate. By now, it is clear that the investigation will never be fair and impartial. Even before the investigation, some senators have already passed judgment based on mere say-so of our opponents and without any shred of concrete evidence presented," wika ni Binay.
Inamin ni Mercado ngayong Martes na kumita siya sa 'parking' building at malabong hindi nakinabang si Binay.
"Puro kasinungalingan ang sinabi ni Mr. Mercado. Noon pa mang kumandidato siya sa Makati kung saan siya ay natalo ay ganyan na ang kanyang mga sinasabi. Puro walang batayan at walang katotohanan," sabi ni Binay.
"Ito ang dahilan kung bakit siya natalo. Kilala siya ng mga taga-Makati na sinungaling at gumagawa ng kwento."