MANILA, Philippines - Kasado na ang protest rally at signature campaign kontra pork barrel ngayong Araw ng mga Bayani, sa Rizal Park.
Layon ng pagkilos na makalikom ng 6 milyong pirma sa inilunsad na People’s Initiative (PI) para sa tuluyang pagbuwag at ideklarang ilegal ang anumang klase ng pork barrel, maging Priority Development Assistance Fund (PDAF), Disbursement Acceleration Program (DAP), lump sum appropriations at iba pa.
Pangungunahan ng Abolish Pork Movement ang pagkilos sa mismong anibersaryo rin ng ‘Million People March’ noong isang taon.
Sa People’s Initiative, maaaring bumuo ng batas ang taumbayan batay sa Konstitusyon sa pamamagitan ng pagkalap ng lagda na isa sa requirement ng batas, na beberipikahin naman ng Commission on Election (Comelec) bago pahintulutan.
Inaasahang dadagsain ng mga kontra sa pork barrel ang pagtitipon ngayon na dadaluhan ng iba’t ibang sector kabilang ang religious groups, mga estudyante, militante at iba pang organisasyon.
Magsisimula ng alas-6 ng umaga ang kilos-protesta na tatagal hanggang tanghali.
Sa ilalim ng isinusulong nilang Peoples Initiative at Referendum, kailangang maabot nito ang 10 porsyento ng registered voters sa buong bansa.
Sa oras na masertipikahan ng Comelec ang nakuhang mga lagda, maari nang magtakda ng Referendum ang Comelec na hindi lalagpas sa 90 araw.