MANILA, Philippines - Ilang senador ang nag-aabogado umano para sa mga kalaban ni Vice President Jejomar Binay, ayon sa United Nationalist Alliance.
Sinabi ni UNA Secretary-General Toby Tiangco na ang ginanap na pagdinig noong Miyerkules ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building 2 ay nagsilbing forum ng mga katunggali ni Binay na tirahin ang Bise Presidente at isulong ang kanilang ambisyong pulitikal.
“Halatang meron nang paunang hatol ang ilang senador na umaastang abogado ni Mr. Renato Bondal na tulad ng pag-aabogado ng isa sa kanila para kay Budget Secretary Butch Abad sa pagdinig noon sa iligal na Disbursement Acceleration Program dahil nakatanggap siya ng DAP,” sabi pa ni Tiangco. “Ang maliwanag sa ‘hearing’ kahapon ay may mga taong gagawin ang lahat maabot lang ang kanilang political ambition. Gagamitin pati ang Senado para lang manira nang ibang tao.”
Ipinaliwanag ni Tiangco na ang papel ng Blue Ribbon Committee ay magrekomenda sa Ombudsman ng posibleng pagsasampa ng kaso kung merong nakitang iregularidad. Pero nasa Ombudsman na anya ang reklamo kaugnay ng umano’y overpricing sa gusali. “Ano pa ang irerekomenda nila kung nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Senado?” tanong pa niya.
Ang korte rin anya ang magbibigay ng huling desisyon kung merong iregularidad o wala ang isang proyekto ng pamahalaan at hindi ang Blue Ribbon Committee o Commission on Audit.
Sinabi pa ng opisyal ng UNA na ang reklamo ay isinampa ng mga kilalang lokal na kalaban ng mga Binay na nabigyan ng dalawang mapagkaibigang senador ng airtime para gumawa ng mga akusasyon laban sa Bise Presidente na walang basihan at may motibong pulitikal.
“Itong kasong ito ay filed na ni Mr. Bondal na kapartido ng dalawang Senador na gustong gamitin ang Senado para siraan si VP Binay at magkaroon ng libreng labas sa TV,” dagdag niya.