MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Senate President Franklin Drilon na magpapatawag ng pulong ang maka-administrasyong Liberal Party (LP) upang talakayin ang isyu hinggil sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
Sinabi ni Drilon na isa ring vice-chairman ng LP na hiniling ni Budget Secretary Florencio Abad ang pagpapatawag ng pulong ng kanilang partido hindi lamang tungkol sa Charter Change (Cha cha) kundi maging ang isyu hinggil sa isyu ng 2nd term ni Pangulong Benigno Aquino III.
Kabilang si Drilon sa mga dumalo sa paggunita sa 31st death anniversary ni Sen. Ninoy Aquino Jr. sa Manila Memorial Park kahapon.
Aniya, layunin din ng pulong na linawin ang isyu hinggil sa naging pahayag ni PNoy ukol sa Charter Change at second term. “Para liwanagin na talagang ang sabi nga ng Pangulo ay hindi nga siya interesado sa second term,” dagdag pa ni Drilon.
Naniniwala din si Drilon na hindi interesado si Pangulong Aquino para sa 2nd term nito.
Idinagdag pa ni Drilon na ang usapan nila ng liderato ng Kamara ay dalhin sa Senado ang panukala ukol sa Charter Change kapag natapos na nila sa Mababang Kapulungan.
Sinabi naman ni Abad na ipinanukala niya ang pagdaraos ng pulong ng LP pero hindi niya masabi kung kailan ito gaganapin. “Desisyon iyan ng liderato ng partido. Hindi ako opisyal ng partido,” sabi ni Abad sa isang text message.