MANILA, Philippines - Ipinagdasal ng Malacañang chaplain ang habambuhay na pamumuno ni Pangulong Benigno Aquino III sa bansa upang maituloy nito ang magandang nasimulan sa pamamagitan ng Daang Matuwid.
Ito ang naging panalangin ni Fr. Daniel Tansip, PSG chaplain, sa inalay nitong misa para sa ika-31 taong death anniversary ni dating Senador Ninoy Aquino Jr. kahapon nang umaga sa Manila Memorial Park na dinaluhan ni Pangulong Benigno Aquino III, mga kapatid, kaanak at kaibigan.
“Ordinaryong pari lang ako. Para sa akin, sana hindi na matapos ang termino ng pinakamamahal nating Pangulo para maipagpatuloy niya ang kanyang nasimulan ang tumahak patungo sa tamang daan,” wika pa ni Tansip.
Aniya, kung siya ang masusunod bilang isang ordinaryong pari ay nais niyang hindi na matapos ang paglilingkod ni PNoy sa taumbayan para tuloy-tuloy ang magandang nasimulan nito sa pagtutuwid at pagtatama ng daan.
Ginawa ng pari ang kanyang pananaw matapos aminin ng Pangulo sa isang panayam kamakailan na bukas na ito sa pag-amyenda sa Konstitusyon at handa niyang pakinggan ang anumang magiging boses ng kanyang mga boss.
Sinabi pa ni Tansip na matagal nang panahon ang lumipas mula nang mamatay si Ninoy pero natatandaan pa rin ng mga mamamayan kung paano siya nakaambag sa pagkakaroon ng pagbabago sa bansa.
Binanggit din ni Tansip, “kung buhay lang si Sir Ninoy, ipagmamalaki niya ang kanyang anak – ang pinakamamahal nating Pangulo dahil sa maraming pagbabago tungo sa tamang landas na kanyang isinusulong.”
Samantala, sinabi ni dating Manila Mayor Alfredo Lim na dapat patuloy na suportahan ng mamamayan ang administrasyong Aquino para tiyak na magtagumpay ang mga mithiin nito.
Ginawa ni Lim ang pahayag nang magtungo siya sa Manila Memorial Park at sa Ninoy Aquino monument sa Burgos Drive, Ermita, Maynila kamakalawa o isang araw bago ang ika-31 anibersaryo ng kamatayan ng nasabing bayani, para sa pag-aalay ng bulaklak, pagtirik ng kandila at panalangin
“Nakatitiyak tayo na hindi siya gagawa ng anumang pagmamalabis o susuway sa magandang palakad na sinimulan ng kanyang mga magulang,” ani Lim. (May ulat nina Aurea Calica at Ludy Bermudo)