Pinoy evacuees nakaranas ng diskriminasyon sa Malta
MANILA, Philippines - Nagkaroon umano ng matinding diskriminasyon at pambabastos ang mga Pinoy habang sakay ng isang chartered vessel habang lumilikas patungong Malta mula Libya.
Pinaiimbestigahan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang reklamo ng ilang Pinoy evacuees na nakaranas ng diskriminasyon sa mga crew ng barko na kanilang sinakyan.
Bukod sa DFA, inaalam na ng Labor Department at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang tunay na sinapit ng mga Pinoy evacuees.
Sinabi ng isang OFW na kabilang sa may halos 800 Pinoy na inilikas sa Libya na habang sila ay sakay ng nasabing barko ay nakaranas sila ng hindi tamang pagtrato mula sa mga crew.
Sa kanilang halos dalawang oras na paglalayag sa karagatan, hindi umano nabigyan ang mga Pinoy ng sapat na pagkain at tubig at maging ang cabin na tutulugan.
Isa ring Pinay umano ang binastos ng isang crew at sinabihang magpabuntis muna bago nito bibigyan ng cabin na matutulugan.
Magugunita na inihayag ni DFA Secretary Albert del Rosario na umupa ng barko ang Pilipinas na nagkakahalaga ng $1.8 milyon para may masakyan ang mga Pinoy na nagsisilikas sa Libya patungong Malta. Mula Malta ay saka sila sasakay ng eroplano pauwi sa Pilipinas.
Ipinagtataka ng mga Pinoy evacuees ang kawalan nila ng sapat na pagkain at matutulugan sa barko samantalang milyun-milyon umano ang ginastos ng pamahalaan dito.
Samantala, sinabi ng OWWA na may dalawang batches ng OFWs ang darating ngayong araw sa NAIA mula Libya sa magkahiwalay na flights.
- Latest