MANILA, Philippines - Matapos ituro ang truck ban na dahilan umano ng port congestion sa Maynila, inaprubahan ng House Committee on Metro Manila Development ang isang resolusyon na nagpapatigil ng truck ban sa loob ng tatlong buwan sa lungsod ng Maynila.
Nagkaisa sa naturang moratorium sina Manila Rep. Amado Bagatsing, Buhay partylist Lito Atienza, Abakada Rep. Jonathan dela Cruz at Angkla Rep. Jesulito Manalo.
Ang hakbang ay matapos na lumabas sa pagdinig na ang truck ban sa Maynila ang siyang dahilan ng port congestion na nakakaapekto na ngayon sa presyo ng mga bilihin.
Nais din ng mga kongresista na maalis sa port ang mahigit sa 2,000 containers at ilipat ang mga ito sa port sa Subic at Batangas.
Sinabi naman ni Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng Metro Manila Development Committee na nakadepende na sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng MMDA kung paano aatasan ang pamahalaan ng Maynila na sumunod sa moratorium sa truck ban.
Sa sandaling mag-normalize na ang sitwasyon at mailabas na lahat ng naipit na goods o produkto ay saka na lamang muli magpatupad ng truck ban.