MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe ang biglang pagkawala ng mga prayoridad na proyekto at ang pagsama ng dalawang bagong kalsada sa panukalang National Expenditure Program na wala sa tourism master plan para sa Bicol Region.
Sinabi ni Batocabe, chairman ng Committee on Bicol Recovery and Economic Development, ang dalawang bagong kalsada ay magsasantabi sa priority project sa Bicol Region Tourism Road Infrastructure Project Prioritization Criteria (TRIPPC).
Ang Penafrancia-Gabawan-Kiwala-Bagumbayan-Ilaw Road ay may proposed budget na P94,240,000 samantalang ang Pandan-Lacag-Inarado Road ay P55,540.000.
Iginiit ng kongresista ang panukalang proyekto na Penafrancia-Gabawan-Kiwala-Bagumbayan-Ilaw road ay mas mahaba kumpara sa kasalukuyang kalsada na dinadaanan ng mga motorista patungong Sorsogon hanggang Daraga. Bukod dito, mayroon din umanong problema sa right of way ang naturang kalsada na umano’y isang malinaw na paglabag sa guidelines ng TRIPPC.
Nanindigan si Batocabe na sa ilalim ng TRIPPC na kanyang isinumite sa Department of Public Works and Highways at DOT, ang number one priority project ay ang access road patungo sa Donsol at new international Airport.