MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ng isang mambabatas ang iba-ibang halaga na ipinapamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na Conditional Cash Transfer (CCT) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa mga benepisyaryo nito.
Bukod sa magkakaibang halaga nagtataka rin si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, kung bakit iba-iba ang petsang pinapamigay ang CCT.
Sa natanggap na ulat ni Atienza mula sa kanyang mga coordinators, ang ibang pamilya ay nakakatanggap ng P1,200 ang iba ay P1,400 at P2,000 kada buwan samantalang ang iba ay quarterly. Nagtataka ang mambabatas kung anong klaseng method ang ginagamit ng DSWD upang madetermina kung magkano ang ibibigay sa isang pamilya at kung kailan ito ipapamahagi.
Nadiskubre rin ni Atienza na binabawasan ng P100 hanggang P500 ang ibinigay ng DSWD kapag hindi dumalo sa mga seminars kabilang na dito ang family planning subalit hindi umano alam kung saan at kanino napupunta ang halagang binabawas sa mga benipisyaryo.
Dahil dito kaya nanawagan ang kongresista sa mga kapwa mambabatas na suriing mabuti ang P64 bilyong budget ng DSWD at kung paano ito ginagastos bago ikonsidera ang karagdagang P15 bilyon para sa 2015 budget.