MANILA, Philippines - Ayaw pang patulan ng Malacañang ang napaulat na pahayag ni Vice President Jejomar Binay na nakahanda itong kalabanin si Pangulong Noynoy Aquino sa 2016 presidential elections.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, sa ngayon ay wala pang announcement dahil wala pa ang nasabing pangyayari.
Idinagdag pa nito na posibleng nagpapaka-totoo lang si Binay sa kanyang naging pahayag na handang labanan si Pnoy.
Nauna rito, nabuhay ang isyu ng Charter Change o Cha-cha ng biglang may mga kaalyado si Pangulong Aquino na humihikayat na palawigin pa ang kanyang termino.
Nakatakdang matapos ang anim na taong panunungkulan ni Aquino sa Palasyo sa 2016.
Bukod kay Binay, napapaulat na tatakbo ring presidente at magiging pambato umano ng Liberal Party si DILG Sec. Mar Roxas. Lumulutang rin ang mga pangalan nina Senators Antonio Trillanes, Ferdinand “Bongbong” Marcos, Alan Peter Cayetano at Grace Poe.